Nagsagawa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng routine maritime patrol malapit sa Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea noong Oktubre 15 upang mapanatili ang presensiya ng bansa at maprotektahan ang mga karapatang pandagat nito.
Pinangunahan ng Northern Luzon Command ang operasyon gamit ang BRP Miguel Malvar, katuwang ang isang Philippine Navy helicopter. Bahagi rin ito ng ika-16 na Bilateral Maritime Cooperative Activity ng Pilipinas at United States, kasama ang USS Warrior at BRP Melchora Aquino ng Philippine Coast Guard.
Ayon sa AFP, layunin ng magkasanib na aktibidad na palakasin ang defense cooperation, maritime capabilities at koordinasyon ng dalawang bansa. Nagsagawa rin ang mga kalahok na puwersa ng passing honors at photo exercise.
Namataan ng Philippine Navy ang dalawang Chinese naval vessel at isang China Coast Guard vessel malapit sa Bajo de Masinloc. Isang barkong pandigma ng China ang lumapit sa BRP Miguel Malvar, habang isang Chinese military helicopter ang sumunod sa Philippine Navy aircraft. Gayunman, iniulat ng AFP na walang ipinakitang agresibong kilos ang barkong pandigma at walang bagong estrukturang namataan sa lugar.















