Hindi pa iniuugnay ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang isang drug syndicate na nakabase sa Davao sa nasabat na hinihinalang P3.5-bilyong shabu shipment sa Laos.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, nakatuon ang imbestigasyon sa pagtukoy sa mga indibidwal na posibleng sangkot, habang natukoy na umano ang Golden Triangle bilang pinagmulan ng 521 kilo ng hinihinalang shabu.
Kinilala ng mga awtoridad si dating Bangsamoro parliament member Edrieza Hadji Nasser Rimbang bilang suspek na pinaghihinalaang nagpondo sa pag-aayos ng pribadong eroplano na magdadala sana ng droga mula Laos patungong Maynila. Gayunman, hindi pa isinasara ng mga imbestigador ang posibilidad na may iba pang personalidad na sangkot.
Nilinaw din ni Remulla na wala pang naitatatag na ugnayan si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa umano’y smuggling operation. Patuloy ang pagtukoy ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency sa mga taong posibleng sangkot at sa mga transaksiyong pinansyal, habang hinihintay ang laboratory results mula sa Laos upang makumpirma ang nakumpiskang substance.














