-- Advertisements --

Ikinalugod ni House Deputy Speaker at Zambales Rep. Jay Khonghun ang pagkakaaresto kay Atty. Levito Baligod at 14 na miyembro ng grupong tinaguriang “maleta boys,” at nagpahayag ng tiwala sa sistema ng hustisya upang maresolba ang mga alegasyong ibinato laban sa ilang opisyal ng pamahalaan.

Inaresto ang grupo noong Biyernes, Oktubre 16, sa San Juan Hall of Justice sa bisa ng mga warrant na inilabas ng Regional Trial Court Branch 69 sa Iba, Zambales. Nahaharap sila sa kasong unjust vexation kaugnay ng Cybercrime Prevention Act.

Nag-ugat ang kontrobersiya sa mga alegasyon ng umano’y paghahatid ng mga maletang puno ng pera sa ilang opisyal ng gobyerno na may kaugnayan sa mga kuwestiyonableng flood control project. Mariing itinanggi ni Khonghun ang pagkakasangkot sa naturang mga alegasyon.

Ayon sa mambabatas, hindi paghihiganti kundi pagtatanggol sa kaniyang pangalan, pamilya at dignidad ang dahilan ng pagsasampa niya ng kaso laban sa mga nag-akusa sa kaniya.

Binigyang-diin din ni Khonghun na hindi nangangahulugan ng pagkakasala ang pagkakaloob ng warrant of arrest, dahil korte pa rin ang magpapasya batay sa ebidensiya at umiiral na batas.

Hinimok din niya na huwag idamay ang buong Philippine Marine Corps sa kontrobersiya, at iginiit na ang pananagutan ng mga indibidwal ay hindi dapat makaapekto sa reputasyon ng mga sundalong tapat na naglilingkod sa bansa.