Inamin ng dating security aide Orly Guteza na hindi lamang pera ang nagtulak sa kanya para gumawa ng umano’y maling testimonya laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Noong Miyerkules, matatandaan na binawi ni Guteza ang una niyang affidavit kung saan sinabi niyang naghatid siya ng mga male-maletang pera sa bahay ni Romualdez sa Forbes Park Makati.
Sabi ni Guteza na umano’y sinuhulan siya nina Senator Rodante Marcoleta at dating congressman Mike Defensor.
Pero bukod sa umano’y pangakong pera at scholarship, sinabi ni Guteza na takot din ang nagtulak sa kanya para sundin ang ipinagagawa sa kanya.
Ayon kay Guteza, sinabi niya sa unang affidavit na nasaksihan niya ang mga umano’y paghahatid ng male-maletang pera sa bahay ni Romualdez.
Ngunit sa kanyang bagong pahayag, itinanggi niya na ito ngayon.
Giit niya, wala siyang naging direktang kontak kay Romualdez at hindi niya ito nakita sa nasabing address.
Ayon kay Guteza, nadala siya sa mga ”matatamis na salitang pangako” nina Marcoleta at Defensor kaya nasabi niya ang mga bagay na hindi naman daw totoo.
Pinagsisihan din niya umano ang kanyang pagkakasangkot sa kontrobersiya at tinawag itong isang bangungot na ayaw na niyang balikan.
Sinabi ni Guteza na gusto lamang niyang mamuhay nang tahimik kasama ang kanyang pamilya.
Samantala, bukod kay Guteza, apat pang dating security aide na nagbintang kay Romualdez at iba pang personalidad kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects ang bumawi rin sa kanilang mga testimonya.
Kumukuha pa kami ng pahayag mula sa kampo ni Mike Defensor at Sen. Marcoleta.
















