Inatasan na ng Sandiganbayan ang Bureau of Jail Management and Penology na ipreserba at pangalagaan ang lahat ng CCTV footage nito sa loob ng kulungan kung saan nakapiit si dating House Speaker Martin Romualdez.
Ito ay kasunod ng mga ulat na nakakalabas ang dating lider ng Kamara sa kaniyang selda nang walang akmang court order o anumang kautusan mula sa korte.
Kasama rito ang lahat ng CCTV recordings, realtime logs, electronic at digital records na mahalaga sa naturang issue.
Ngayong araw (Nov. 5) ay sumalang na sa Sandiganbayan Third Division sina BJMP QC-Male Dormitory Jail Warden Supt. Maria Lourdes Pacion at Jail Chief Inspector Henry Fabro, at tinanong ng mga husgado ukol sa kumalat na kontrobersiya.
Ipinatawag ang dalawang opisyal kasunod ng alegasyong paglalabas-masok ni Romualdez sa kulungan lulan ng isang ambulansya, bagay na mariin namang pinabulaanan ng jail management bureau.
Nakakulong ang presidential cousin sa Quezon City dahil sa kaniyang mga patong-patong na kasong plunder at graft na pawang iniuugnay sa nabunyag na flood control scandal.














