-- Advertisements --

Nauunawaan umano ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang naging desisyon ni Dean Ralph Sarmiento na hindi na humarap bilang testigo sa impeachment proceedings laban sa bise presidente.

Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng defense team, iginagalang nila ang personal na pasya ni Sarmiento matapos nitong tanggihan ang paglahok sa paglilitis.

Sa kabila nito,tiniyak ni Poa na nagpapatuloy ang kanilang paghahanda para sa susunod na pagdinig sa Nobyembre 9.

Sinabi ni Poa na naihain na nila sa Impeachment Court ang listahan ng mga testigong inaasahang haharap sa unang linggo ng paglilitis, alinsunod sa itinakdang limang araw na panuntunan.

“Nirerespeto at naiintindihan po natin si Dean Sarmiento,” pahayag ni Poa nitong Huwebes.

Matatandaang unang inaasahang testigo ng depensa si Sarmiento, ngunit nagpasya itong hindi na lumahok upang mapanatili ang kalayaan ng kaniyang mga pag-aaral sa constitutional law at ang pagiging patas ng kaniyang mga legal na pananaw at opinyon.

Nakatakdang magpatuloy ang impeachment trial ni Duterte sa Nobyembre 9, 2026.