-- Advertisements --

Itinuturing ng House Prosecution Panel na posibleng panibagong hakbang upang maantala ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang planong paglapit ng kaniyang defense team sa Korte Suprema.

Ang pahayag na ito ay kasunod ng sinabi ni defense spokesperson Atty. Michael Poa na handa silang idulog sa Kataas-taasang Hukuman ang usapin ukol sa kinakailangang bilang ng boto upang mahatulan ang Bise Presidente sa impeachment trial sa Senado.

Matatandaang noong Setyembre 23, bumoto ang Senate Impeachment Court upang ibaba ang voting threshold o ang required na bilang ng boto sa impeachment proceedings, kung saan 13 senador ang pabor at nag-iisang tumutol si Presiding Officer Chiz Escudero.

Ayon naman kay Rep. Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng House Prosecution Panel, naglabas na ng desisyon ang Korte Suprema sa kaparehong usapin noong Setyembre 30 nang ibasura nito ang magkakahiwalay na petisyon nina Atty. Victor Rodriguez, Atty. Ernesto Francisco Jr., at Berteni Cataluña Causing dahil sa kawalan ng legal standing at pagiging premature ng mga ihinaing kaso.

Binigyang-diin ni Adiong na bagama’t karapatan ng defense team ang dumulog sa Korte Suprema, posibleng manatili lamang ang magiging pasya ng hukuman dahil pareho lamang ang paksa at legal na argumentong idinudulog sa naunang ibinasurang mga petisyon.