-- Advertisements --

Nanawagan si Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ng pagpipigil, paggalang at pagiging makatarungan sa lahat ng sangkot sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kasunod ng aniya’y pagtaas ng tensyon at emosyon sa mga pagdinig.

Sa kanyang pahayag kanina bago simulan ang pagdinig, sinabi ni Escudero na nauunawaan niyang umiiksi na ang pasensya ng ilan, tumataas ang emosyon habang nagpapatuloy ang paglilitis.

Gayunman, iginiit niyang hindi dapat kalimutan ng lahat na gampanan ang kanilang tungkulin na tulungan ang Impeachment Court na patas at maayos na maresolba ang kaso.

Binigyang-diin ni Escudero na hindi dapat maabala ang mga senador-hukom sa mga pahayag mula sa loob o labas ng hukuman. Aniya, ang paglilitis ay hindi tungkol sa personal na interes ng sinuman kundi tungkol pananagutan at pagiging patas. 

Hinimok din ng presiding officer ang mga abogado na panatilihin ang paggalang at pagiging magalang sa kapwa abogado, alinsunod sa Canon 2, Section 2 ng Code of Professional Responsibility and Accountability.

Sinabi rin ni Escudero na maaaring maging matindi ang pagtatalo at batikos, ngunit hindi ito dapat mauwi sa personalan o paglapastangan sa dignidad ng ibang tao.

Binigyang-diin niya na sa pagtatapos ng paglilitis, ang dapat manaig ay ang batas at hindi galit.