Posibleng matapos na ng defense team ni Vice President Sara Duterte ang paghaharap ng kanilang mga testigo sa impeachment trial pagsapit ng Disyembre, ayon kay defense counsel at spokesperson Michael Poa.
Sinabi ni Poa na may lima hanggang anim pang saksi ang inaasahang ihaharap ng depensa matapos makumpleto ang testimonya ng apat na testigong ipinatawag para sa mga pagdinig ngayong linggo.
Ayon kay Poa, malamang na ito na ang huling batch ng kanilang mga saksi dahil wala na silang nakikitang dahilan upang patagalin pa ang presentasyon ng ebidensiya. Posible umanong matapos ito sa loob ng isang linggo kung magkakaroon ng whole-day hearings.
Gayunman, nakadepende pa rin ang target na iskedyul sa desisyon ng impeachment court.
Naghihintay ang depensa sa iskedyul ng mga pagdinig sa Disyembre, lalo’t nakatakda rin ang deliberasyon sa pambansang budget sa susunod na linggo.
Dagdag ni Poa, ituturing nilang kumpleto na ang kanilang presentasyon kapag naiharap na nila ang lahat ng ebidensiyang nais nilang isumite sa impeachment court.














