Binuweltahan ng Malacañang ang pahayag ng tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Salvador Paolo Panelo Jr. hinggil sa umano’y “no-election” (no-el) scenario sa 2028, at hinamon ang kampo ng Bise Presidente na sa halip na mag-imbento ng kwento ay ipaliwanag na lamang sa publiko ang isyu ng kanilang umano’y tagong-yaman.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, abala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa sunod-sunod na pulong at pagtatrabaho, kaya walang panahon ang Punong Ehekutibo sa mga gawa-gawang intriga hindi tulad umano ng iba na walang ginagawa kundi maglakwatsa.
“Busy ang Pangulo sa pagtatrabaho. Sunod-sunod ang dinadaluhang meeting ni Pangulong Marcos, Jr. kaya okupado ang isip niya, hindi tulad ng iba na walang ginagawa kundi maglakwatsa. Sabi nga nila, ‘Idle mind is the devil’s playground,’” ani Castro.
Dagdag pa ng opisyal, ang dapat ikwento ng kampo ni Duterte sa sambayanang Pilipino ay ang katotohanan sa likod ng alegasyon ng unexplained wealth nito at ng kanyang pamilya, sa halip na gumawa ng mga kwentong pantasya.
“Huwag silang magkwento ng gawa-gawa lang nila. Sa ngayon, parang ‘Lola Basyang’ si VP Sara sa kanilang mga kwentong pantasya,” giit ni Castro.
Nauna nang sinabi ni Panelo na nakatanggap umano siya ng impormasyon na may mga diskusyon sa Kamara de Representantes hinggil sa posibleng pagpapaliban ng halalan sa 2028.














