Apat na testigo na ipina-subpoena ng defense team ni Vice President Sara Duterte ang nakatakdang humarap sa pagpapatuloy ng kaniyang impeachment trial ngayong araw upang pasinungalingan ang mga alegasyon sa Article 2 o ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente.
Batay sa manipestasyon ng depensa na ibinahagi ni Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tonggol, mauunang sasalang si Atty. Rainer Dela Fuente mula sa Anti-Money Laundering Consulting Philippines upang talakayin ang mga batayang legal na konsepto sa ilalim ng naamyendahang Anti-Money Laundering Act (AMLA).
Susunod namang haharap sina Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary at Board of Investments (BOI) Managing Head Dr. Ceferino Rodolfo, Food and Drug Administration (FDA) Center for Food Regulation and Research Director Pilar Pagayunan, at Center for International Trade Expositions and Missions (CITEM) Department Manager III Rowena Mendoza upang magbigay-linaw sa rehistro at operasyon ng Cale88 Foods Corporation at ng produkto nitong banana chips.
Nauna nang inihayag ni Senator-Judge Juan Miguel “Migz” Zubiri na interesado siyang malaman mula sa mga testigo ng depensa kung saan nagmula at napunta ang umano’y ₱300 milyong foreign deposits na pumasok sa Cale88, pati na rin kung nakapagbayad ng tamang buwis ang kumpanya para rito.
Samantala, habang papalapit ang pagtatapos ng paglilitis, binigyang-diin ni Senate Minority Leader at Senator-Judge Alan Peter Cayetano na ma-acquit man o ma-convict ang Bise Presidente, dapat ay nakabatay ang hatol sa malinaw at matibay na ebidensya.
Nagbabala si Cayetano na maaaring magdulot ng seryosong problema kung walang sapat na batayan ang magiging desisyon ng Senado, lalo na’t kasabay ito ng pagtalakay sa 2027 national budget at ng nararanasang krisis sa ekonomiya.














