Nakatakdang iharap ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang apat na saksi sa Nobyembre 19 at 20 upang talakayin ang pagpaparehistro, pagsunod sa mga regulasyon at operasyon ng Cale88 Foods Corp., kumpanyang iniuugnay sa kanyang asawang si Manases Carpio.
Humiling ang depensa ng subpoena para kina Rainer Dela Fuente ng AML Consulting Philippines, Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ceferino Rodolfo, Food and Drug Administration (FDA) official Pilar Marilyn Pagayunan, at Rowena Mendoza o kinatawan ng Center for International Expositions and Missions (CITEM). Ipinadala ang mga subpoena sa mga saksi noong Nobyembre 15.
Inaasahang tatalakayin ni Dela Fuente ang mga probisyon ng Anti-Money Laundering Act, habang ilalahad naman ni Rodolfo ang pagpaparehistro ng Cale88 sa Board of Investments.
Samantala, inaasahang magbibigay-linaw si Pagayunan sa product registration ng sweetened banana chips ng kumpanya, habang tatalakayin naman ni Mendoza o ng kinatawan ng Center for International Expositions and Missions (CITEM) ang pakikipag-ugnayan ng ahensiya sa Cale88 kaugnay ng mga food exposition.














