Ganap nang miyembro ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) ang National Parliament ng Timor-Leste.
Ang naturang bansa ang magiging ika-11 miyembro ng Parliament Assembly matapos isagawa ang pormal na pag-admit sa ika-47 AIPA General Assembly na ginaganap sa Maynila.
Pinangunahan ni House Speaker at AIPA President Faustino Dy III ang naturang seremoniya na dinaluhan ng ilang mambabatas ng East Timor.
Kasabay nito ay inilipat na rin ang watawat ng Timor-Leste mula sa hanay ng mga observer parliament patungo sa hanay ng mga ganap na miyembro ng AIPA.
Malugod namang tinanggap ni Speaker Dy ang delegasyon ng Timor-Leste at inilarawan ang hakbang bilang makasaysayang pagpapalawak ng samahan. Pinangunahan din ng Filipino lawmaker ang paglagda sa Instrument of Accession na tanda ng pagkakumpleto sa pagiging ganap na miyembro ng regional organization.
Sa acceptance speech, sinabi ni Timor-Leste National Parliament President Maria Fernanda Lay na inabot ng 13 taon mula nang una silang dumalo sa AIPA bilang observer bago tuluyang maging ganap na miyembro.
Mahalaga rin aniya na maramdaman ng kanilang mamamayan ang konkretong pakinabang ng pagiging kasapi ng AIPA sa kanilang pang-araw-araw na buhay.














