Pinuna ni Senator-Judge Raffy Tulfo ang umano’y pangunguna ni Impeachment Court Spokesperson Atty. Regie Tongol sa paglalabas ng timetable kaugnay sa pinal na paghatol ng korte sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Sa pagdinig ngayong Lunes, kinuwestiyon ni Tulfo ang naunang pahayag ni Tongol na maaaring magkaroon ng final verdict sa kaso sa Disyembre 16.
Ayon kay Tulfo, nagkaroon ng impresyon sa publiko na nauna nang napagdesisyunan ng Impeachment Court ang magiging resulta ng paglilitis dahil sa naturang pahayag.
Sinabi ni Tulfo na ilang kakilala at kaibigan ang tumawag sa kanya upang itanong kung nauna na bang napagdesisyunan ang magiging outcome ng impeachment case.
Nilinaw naman ni Presiding Officer Chiz Escudero na hindi ganap na tama ang pahayag tungkol sa Disyembre 16 na hatol.
Ipinaliwanag ni Escudero na ang naturang timetable ay nakabatay lamang sa pagkukuwenta mula sa pretrial order, kung saan humiling ang prosecution ng 61 o 62 trial days at 30 trial dates naman ang defense.
Binigyang-diin ni Escudero na ang pagkukuwenta ay batay sa matematika at kalendaryo at hindi sa aktuwal na takbo ng paglilitis, lalo’t may mga hearing na nakansela.
Dahil dito, hiniling ni Tulfo kay Escudero na paalalahanan si Tongol, at binigyang-diin na hindi umano ito ang unang pagkakataong naglabas ang spokesperson ng pahayag sa media bago pa ito napagkasunduan ng mga senator-judge.
Sinabi ni Tulfo na nauunahan umano ang mga senator-judge sa mga impormasyong inilalabas sa media hinggil sa paglilitis.
Sa huli, tiniyak naman ni Escudero na isasaalang-alang niya ang naging pahayag ni Tulfo at kikilos kaugnay nito.
















