-- Advertisements --

Nahaharap sa panibagong pagsubok ang industriya ng asukal sa bansa dahil sa mahinang ani, mataas na gastusin sa pagsasaka, epekto ng El Niño, at pananalasa ng peste na nakaaapekto sa kita ng mga magsasaka.

Sa ikalawang buwan ng 2026–2027 milling season, nagpahayag ng pagkabahala ang Sugar Regulatory Administration (SRA) board sa mababang suplay ng tubo at asukal, na lalo pang pinabibigat ng mataas na presyo ng krudo, farm inputs, at red soft scale insect (RSSI) infestation.

Ayon sa mga kinatawan ng mga magsasaka at sugar millers, maaaring makasama sa lokal na ekonomiya partikular sa Negros Occidental ang patuloy na pagbaba ng produksyon dahil libo-libong kabuhayan ang nakasalalay rito at posibleng mahirapan ang mga magsasaka na tustusan ang susunod na taniman.

Tiniyak naman ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na nakahanda ang Department of Agriculture (DA) na makipagtulungan sa SRA upang sugpuin ang peste, mapanatili ang produksyon, at maprotektahan ang kita ng mga magsasaka.

Kasabay nito, nanawagan si SRA Administrator Pablo Luis Azcona ng balanseng farmgate price para sa mga magsasaka at abot-kayang presyo para sa mga mamimili, habang humihingi rin ng dagdag na pondo ang DA at SRA mula sa pambansang pamahalaan upang maibsan ang epekto ng El Niño at RSSI.