-- Advertisements --

Nagpasalamat ang Department of Tourism (DOT) kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagpapalawig ng 14-day visa-free entry privilege para sa mga Chinese nationals mula Enero 16, 2027 hanggang Enero 15, 2028.

Ayon sa ahensya, napapanahon ang hakbang na ito matapos makapagtala ang bansa ng 70.18% year-on-year na pagtaas sa bilang ng mga turistang mula sa China, na nagpapakita ng muling paglakas ng interes sa Pilipinas bilang destinasyon.

Binigyang-diin ng DOT na malaking tulong ito sa buong industriya ng turismo mula sa mga negosyo hanggang sa mga manggagawa at komunidad habang patuloy na pinatatatag ang ugnayan sa Bureau of Immigration, Department of National Defense, at Department of Foreign Affairs.

Dahil sa mas maluwag na patakaran, mas dumami rin ang air connectivity sa bansa kung saan nasa 20 direct flights na ang bumibiyahe patungong Maynila, Cebu, at Kalibo mula sa mga pangunahing lungsod sa China, bukod pa sa bagong chartered flight patungong Bohol sa Enero 2027.

Samantala, nakapagtala rin ang kagawaran ng 23.55% na pagtaas sa tourist arrivals mula sa India kasunod ng pagluluwag sa visa requirements at paglulunsad ng daily nonstop flights ng Air India sa pagitan ng Maynila at New Delhi.

Tiniyak ng DOT na patuloy itong makikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor upang mapadali ang pagbiyahe, makahikayat ng mas maraming flights, at mapalakas pa ang pagdating ng mga turista sa bansa.