Tiniyak ni Senator JV Ejercito na hindi magagamit ang panukalang pambansang badyet para sa 2027 upang impluwensiyahan ang impeachment tria; laban kay Vice President Sara Duterte.
Bilang chairman ng Senate Committee on Finance, itinanggi ni Ejercito ang alegasyon ng bise presidente na maaaring gamitin ang pondo ng pamahalaan bilang kasangkapan sa pamumulitika at panghihikayat sa mga mambabatas na bumoto pabor sa kaniyang conviction sa impeachment trial.
Nauna nang kinuwestiyon ni Duterte kung ginagamit ang panukalang 2027 national budget sa umano’y pamamahagi ng pera at pakikipagkasunduang pampolitika kaugnay ng impeachment proceedings.
Ipinunto niyang dapat nakatuon ang pondo ng bayan sa paglilingkod sa mga Pilipino, sa halip na gamitin upang impluwensiyahan ang mga senador na magsisilbing hukom sa paglilitis at ang mga miyembro ng House of Representatives.
Hindi naman tinukoy ng bise presidente ang mga partikular na transaksiyon o indibidwal na umano’y sangkot sa sinasabing pamumulitika.
Ayon kay Ejercito, umaasa siyang hindi pagdududahan ang mga senador na magsisilbing senator-judges sa impeachment trial.
Sinabi niyang maraming suliranin at hamon ang kailangang tutukan ng pamahalaan, ngunit bahagi ng tungkulin ng mga senador ang pagtupad sa kanilang konstitusyonal na responsibilidad sa impeachment proceedings.
Muli niyang iginiit na hindi papayagang gamitin ang pambansang badyet para sa layuning ito, at binigyang-diin na bilang pinuno ng Senate finance committee, tungkulin niyang tiyaking maayos ang paghawak sa panukalang pondo ng pamahalaan.














