Inusisa ni Senate Committee on Agriculture Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang malinaw ng plano ng Department of Education (DepEd) para lubusang maipatupad ang ang Sagip Saka Act sa school-based feeding program nito, upang matiyak na direktang makikinabang ang mga magsasaka at mangingisda sa pagbili ng pagkain para sa mga mag-aaral.
Sa pagdinig sa panukalang badyet ng DepEd para sa 2027 noong Oktubre 16, tinanong ni Pangilinan ang mga opisyal ng kagawaran kung paano nila palalawakin ang pagpapatupad ng programa upang matiyak na sinusunod ng mga ahensya ang kanilang mandato na suportahan ang pagbili ng produkto ng mga magsasaka.
Binuksan ng Senador ang usapin matapos imungkahi ng DepEd ang pagbaba ng pondo sa school-based feeding program para 2027 budget sa P11 billion mula sa P25 billion na pondo ngayong 2026.
Batay sa ulat ng ahensay tinatayang nasa P 3.5 billion pa lamang ang nagagastos mula P25 billion na nakalaan para sa naturang programa kung kaya’t gagamitin nalang umano ang natitirang pondo hanggang sa susunod na taon.
Dahil dito nagpahayag ng pangamba si Pangilinan para sa magiging epekto ng pagbabawas ng pondo sa implementasyon ng programa at iginiit ang pangangailangan ng pagpapatupad ng Sagip Saka Act upang mabigyang priyoridad ang pagbili sa mga produkto ng mga lokal na magsasaka at mangingisda.
Ayon sa senador, nauunawaan niyang nasa paunang yugto pa lamang ang DepEd sa pagpapatupad ng batas para sa feeding program dahil nagsimula ang pasukan noong Agosto. Gayunman, hiniling niyang isumite ng kagawaran sa plenaryo ng Senado ang plano nito para sa ganap na implementasyon, kabilang ang mga problemang kailangang lutasin sa usapin ng suplay.
Binigyang-diin ni Pangilinnan na mahalagang lubusang gamitin ng kagawaran ang mga probisyon ng Sagip Saka Act at unahin ang pagbili ng pagkain nang direkta mula sa mga akreditadong negosyo at kooperatiba ng mga magsasaka at mangingisda.
Para kay sa senador, kailangang magkasabay na matugunan ang pangangailangan ng feeding program at ang kakayahan ng mga lokal na prodyuser na magbigay ng sapat na suplay, upang mapakinabangan ng mga mag-aaral at ng sektor ng agrikultura ang pondong inilaan ng pamahalaan.
Si Pangilinan ang pangunahing may-akda ng Republic Act No. 11321 o Sagip Saka Act, na nagpapahintulot sa mga ahensiya ng pamahalaan at lokal na pamahalaan na direktang bumili ng pagkain mula sa mga akreditadong kooperatiba ng mga magsasaka at mangingisda nang hindi dumaraan sa public bidding.















