-- Advertisements --

Muling bumuwelta si counsel for the prosecution, Atty. Lorna Kapunan, sa defense team ni VP Sara Duterte habang pansamantalang naka-break ang impeachment trial.

Ayon kay Kapunan, napapagod na ang publiko sa napakaraming financial documents at mga technical objection ng Defense.

Ito ang pangunahing dahilan aniya kung bakit iniatras ng House prosecution panel ang tatlong articles of impeachment, at mapaikli ang paglilitis.

Ayon pa kay Kapunan, lumabas sa mga isinagawa nilang focus group discussion na nagsisimula nang mabagot at malito ang publiko, lalo na yaong mga nakatutok sa umuusad na paglilitis, dahil sa haba at pagiging sobrang technical ng umuusad na trial.

Dagdag pa ng batikang abogado, ang mahabang cross-examination at sunod-sunod na technical objection ay nagdulot lamang ng kawalan ng interes ng publiko, na posibleng maging dahilan para hindi na sundan ang gumugulong na kaso.

Dahil dito, nagpasya aniya ang House panel na pag-isahin na lamang at ituon sa iisang usapin ang impeachment trial.

Hindi ito nangangahulugan aniya, inabandona na nila ang mga alegasyon, at sa halip ay kailangan lamang na mapaikli ang pag-usad ng paglilitis.