-- Advertisements --

Naniniwala ang House prosecution panel na mas tumatak na sa publiko ang umano’y unexplained wealth nina Vice President Sara Duterte at asawang si Manases Carpio, kumpara sa mga fictitious name gaya ng “Mary Grace Piattos” na iniugnay sa liquidation ng confidential funds.

Ayon kina Reps. Terry Ridon at Joel Chua, tinatayang nasa P1.5 bilyon ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng mag-asawa, batay sa pagsusuri ni financial forensic analyst Alexander Cabrera. Nauna nang tinukoy ni Cabrera ang P818 milyong umano’y undeclared assets gamit ang konserbatibong kalkulasyon.

Sinuri rin ni Cabrera ang mga transaksiyon ng mga kumpanyang may kaugnayan umano sa mag-asawa. Kabilang dito ang Cale88 Foods Corp., na nakatanggap ng million foreign remittances mula 2022 hanggang 2025, kabilang ang P319 milyon mula sa mga kumpanyang Chinese. Ilang transaksiyon nito ang iniulat na minarkahan ng mga bangko bilang kahina-hinala.

Ayon sa prosecution, pinili nitong ituon ang natitirang impeachment article sa unexplained wealth upang mas madaling maunawaan ng publiko ang mga alegasyon. Ang mga halagang binanggit ay batay sa pagsusuri ng saksi at hindi pa pinal na hatol ng impeachment court.