Nanindigan si Senate Pres. Sherwin Gatchalian na kailangang humingi ng paumanhin ni Chinese Ambassador Jing Quan, kasunod ng kaniyang pagbabanta kamakailan.
Tinutukoy ng senador ang kontrobersiyal na pahayag kamakailan ng Chinese envoy, kung saan iginiit niyang madali lamang na maipanalo ng China ang military conflict laban sa PH kung gagamitan nila ng puwersa, ngunit hindi umano ito gagawin ng China.
Ayon sa Senate leader, dapat lamang na humingi ng tawad si Jing dahil hindi tamang nagbabanta ang isang diplomat laban sa bansa na kaniyang kinaroroonan o laban sa alinmang bansa.
Bilang isang diplomat aniya, dapat magtrabaho ang Chinese ambassador para sa ikabubuti ng relasyon sa pagitan ng Pilipinas at ng bansang kaniyang kinakatawan, sa halip na nagbabanta o nagbibitiw ng mga mapanirang salita.
Ayon pa kay Gatchalian, mayroon nang problema ang PH at ang China sa West PH Sea, kaya’t hindi na kailangan pang dagdagan o paglakihin pa ng ambassador ang naturang girian.
Nagpahayag din si Gatchalian ng suporta sa pagpapatawag nI Pang. Marcos kay Amb. Jing, kasunod ng kontrobersiyal na pahayag ng Chinese official.
Nanindigan si Sen. Gatchalian na ang pag-depensa at pagbabantay ng PH authorities sa WPS at sa iba pang teritoryo ng bansa ay bahagi lamang ng kanilang tungkulin, at ang makarinig ang mga ito ng pagbabanta mula sa isang dayuhan sa loob mismo ng Pilipinas, ay hindi aniya katanggap-tanggap.














