Nadismaya si Senador Sherwin Gatchalian sa kalagayan ng opisina na iniwan ni Senador Jinggoy Estrada para kay Sen. Vicente “Tito” Sotto iii, matapos maiulat na inalis dito ang ilang fixtures at kagamitan.
Ayon kay Gatchalian, halos walang laman ang opisina at kakailanganin pa ng sapat na panahon upang maisaayos at ma-renovate ito.
Sinabi niyang tutulong ang Senado sa pagsasaayos, ngunit iginiit na sana ay nagkaroon muna ng maayos na pag-uusap ang mga tanggapan hinggil sa turnover.
Nauna nang nag-post si Senador Panfilo “Ping” Lacson ng larawang likha ng artificial intelligence na nagpapakita kay Sotto sa isang madilim at halos walang lamang opisina.
Kabilang umano sa mga inalis sa silid ang floor tiles, lighting fixtures, glass panels, cabinets at mga kagamitan sa banyo.
Depensa naman ng tanggapan ni Estrada, ipinaalam na nila sa opisina ni Sotto bago ang deadline noong Oktubre 5 na ililipat ang mga fixtures at kagamitan sa bagong opisina ng Senador.
Ayon dito, karamihan sa mga materyales ay binili gamit ang personal na pondo ni Estrada dahil hindi sapat ang budget na inilaan ng Senado.
Ikinumpara ni Gatchalian ang turnover sa ginawa ni Sotto, na aniya’y iniwan maging ang sariling mesa at upuan upang hindi na gumastos ang susunod na gagamit ng opisina.
Samantala, kinumpirma niyang humiling ang Office of the Ombudsman na siyasatin ang silid at inatasan niya ang kanyang staff na makipagtulungan at maging tapat sa mga dokumento.
Nagsagawa rin umano ng inspeksiyon ang Government Service Insurance System (GSIS) dahil sa pag-aalala sa structural integrity ng opisina, na pag-aari nito.














