Sinabi ni Senate President Sherwin ”Win” Gatchalian na suportado niya ang planong Pax Silica Industrial Hub, ngunit iginiit na kailangan munang matugunan ang ilang kondisyon bago ito maipatupad.
Sa pagdinig ng Senado nitong Biyernes, sinabi ni Gatchalian na may mga kaakibat na panganib at kondisyon ang malakihang proyekto na dapat pag-usapan at tiyaking mapoprotektahan ang interes ng bansa.
Ayon sa senador, mahalagang mapangalagaan ang karapatan ng mga lokal na komunidad na maaaring maapektuhan ng proyekto, partikular ang mga residente sa Tarlac.
Kailangan din aniyang tiyakin ang sapat at matatag na suplay ng tubig at kuryente para sa operasyon ng industrial hub.
Binigyang-diin din ni Gatchalian ang kahalagahan ng technology transfer, upang hindi lamang mga dayuhang kumpanya ang makinabang sa proyekto kundi magkaroon din ng pagkakataon ang mga Pilipino na matuto at makakuha ng mas mataas na antas ng kasanayan.
Inilarawan niya ang Pax Silica bilang posibleng maging malaking hakbang sa pagbabago ng industriya sa bansa.
Samantala, ilang environmental groups ang nagpahayag ng pagtutol sa proyekto dahil sa pangambang maaaring magkaroon ito ng epekto sa kapaligiran at magdulot ng displacement sa ilang residente sa Tarlac.
Ayon kay Gatchalian, kailangang balansehin ang mga oportunidad na maidudulot ng proyekto at ang posibleng panganib nito bago tuluyang maipatupad.















