Kinondena nang ilang senador ang nangyaring pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, Leyte, kung saan tatlong estudyante ang nasawi at 11 ang nasugatan.
Dahil sa insidente, muling nabuksan ang usapin tungkol sa kaligtasan sa mga paaralan at lumalalang karahasan sa kabataan.
Ayon kay Senate President Sherwin “Win” Gatchalian, “nakababahala” ang nangyari at dapat agad na matiyak ang hustisya para sa mga biktima.
Nanawagan din siya sa Department of Education (DepEd) na magbigay ng psychosocial support sa mga estudyante, guro, at kawani ng paaralan, at higpitan pa ang seguridad sa mga eskwelahan.
Sinabi naman ni senator Bam Aquino na dapat manatiling ligtas na lugar ang mga paaralan. Giit niya, mahalagang maiwasan ang ganitong insidente at kasalukuyang tinatalakay sa Kongreso ang School Safety Act na layong palakasin ang proteksyon laban sa bullying at iba pang banta ng karahasan.
Mariin ding kinondena ni senator Kiko Pangilinan ang pamamaril at iginiit ang mahigpit na pagpapatupad ng Juvenile Justice and Welfare Law, lalo na’t menor de edad umano ang mga suspek.
Ayon sa kanya, “walang lugar ang karahasan sa ating lipunan,” at dapat may pananagutan hindi lamang ang mga salarin kundi pati ang maaaring naging pabaya na mga magulang.
Nagpahayag rin ng pakikiramay si senator Bong Go sa mga naulilang pamilya at nanawagan ng masusing imbestigasyon kung paano nakapasok ang mga baril sa loob ng paaralan. Aniya, nakababahala na ang mga estudyante ay nalalagay sa ganitong uri ng panganib.
Samantala, sinabi ni senator Camille Villar na dapat palakasin ang school safety at mental health support para sa mga mag-aaral. Giit niya, walang magulang ang dapat mawalan ng anak sa isang lugar na dapat ay ligtas.
Kinondena rin ni senator Mark Villar ang insidente at tinawag itong isang trahedya na hindi dapat nangyayari sa mga paaralan. Nanawagan siya ng agarang hustisya at suporta sa counseling para sa mga apektadong estudyante at school personnel.















