Limang batang babae ang nasawi matapos malaglag ang kanilang sinasakyang bus sa isang sapa sa Cambodia nitong Martes.
Naganap ang naturang insidente sa Kandal province, 40 kilometro hilaga mula sa kabisera ng Cambodia sa Phnom Penh.
Batay sa mga saksi, biglang dumaan ang isang motorsiklo sa harap naturang bus kung kaya’t agad na pumreno ang drayber nito. Sa bilis ng takbo, dumausdos ito sa gilid ng kalsada hanggang mahulog sa isang malalim na sapa.
Sinubukan namang rumesponde ng ilang mga residente sa lugar para ilikas ang mga batang lulan ng sasakyan ngunit nahirapan ang mga ito sa lalim ng naturang sapa.
Lulan ng nasabing bus ang 26 na mag-aaral na may edad 12 to 14 taong gulang. Kabilang sa limang nasawi, tatlo ang nasa kritikal na kundisyon habang sugatan naman ang natitirang 18.
Ayon sa lokal na pulis, pagkalunod ang ikinamatay ng limang bata, dagdag pa nito, hihigit pa sa lima ang masasawi kung hindi sila agad nasagip ng mga residente.
Samantala, nasa kustodiya na ng pulis ang 31 taong gulang na drayber para sa interograsyon.















