-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na 78 Pilipino na naging biktima ng human trafficking sa Myanmar ang pinalaya mula sa mga tinaguriang scam centers.

Ang mga ito ay dati nang nakulong dahil sa mga kasong may kinalaman sa immigration, kabilang ang illegal entry at residency.

Ayon sa DFA, ang Philippine Embassy sa Yangon ay kasalukuyang nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Myanmar upang matiyak ang mabilis, ligtas, at maayos na repatriation ng mga Pilipino pabalik sa bansa.

Nagpasalamat ang DFA sa pamahalaan ng Myanmar sa kanilang makatao at mahabaging hakbang, na isinagawa kasabay ng pagdiriwang ng Myanmar New Year (Thingyan).

Binanggit ng ahensya na ito ay patunay ng mabuting ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Myanmar.

Noong 2025, nakapagrepatriate ang Department of Migrant Workers (DMW) ng 839 Pilipino mula Myanmar, kung saan 690 sa kanila ay nabigyan ng tulong pangkabuhayan at pangkapakanan.

Patuloy ding binabantayan ng DMW ang mga online postings na nag-aalok ng pekeng package tours at trabaho sa Thailand, Cambodia, Laos, at Myanmar.

Mahigit 200 Pilipino na nasa Myanmar ang humingi na ng tulong para sa repatriation, habang 17,000 posts na may kaugnayan sa illegal recruitment at pekeng job offers ang na-take down sa internet.