-- Advertisements --

Inusog sa Lunes, Oktubre 5, ang testimonya ng opisyal ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos humiling ang defense team ng dagdag na oras para mapag-aralan ang mga dokumentong isusumite sa Senado.

Dapat sanang humarap sa impeachment court kahapon, Oktubre 1, si AMLC Executive Director Ronell Buenaventura para ilahad at patunayan ang mga ulat ng AMLC kaugnay sa mga financial transactions na may kinalaman sa bise presidente at sa kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.

Ayon kay lead defense counsel Atty. Sheila Sison, nakatanggap lamang sila ng mga summary ng AMLC reports bandang alas-11 ng umaga nitong Huwebes, Oktubre 1 kaya kailangan pa nila ng panahon para mapag-aralan ang mga ito bago ang direktang pagtatanong at cross-examination sa witness.

May pagtutol din ang depensa sa paggamit ng AMLC records, dahil anila’y saklaw ang mga ito ng confidentiality provisions ng Anti-Money Laundering Act.

Iginiit naman ng House prosecution na hindi maaaring maging hadlang ang naturang confidentiality rule sa isang legal na subpoena mula sa Senate impeachment court. Ayon kay House prosecutor Chel Diokno, ang Section 8-A ng amended Anti-Money Laundering Act ay naglalayong pigilan ang unauthorized disclosure ng impormasyon at hindi dapat magsilbing blanket shield laban sa subpoena ng impeachment court. 

Nauna nang pinayagan ng impeachment court ang paggamit sa AMLC records bilang ebidensiya sa paglilitis. Nanindigan din si Senate impeachment court presiding officer Francis Escudero sa naunang ruling, ngunit pinagbigyan ang hiling ng depensa na ilipat ang testimonya sa Oktubre 5 upang magkaroon sila ng sapat na oras para maghanda. 

Kasalukuyan pa ring nasa Article II ng impeachment case ang usapin sa umano’y unexplained wealth at mga deklarasyon sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng ikalawang pangulo. 

Kabilang sa financial records na sinusuri ng prosecution ang AMLC report na tumutukoy sa tinatayang P6.7 bilyong aggregate transactions na inuugnay sa bank accounts nina Duterte at sa asawa nitong si Carpio. Sinabi ng prosecution na nais nitong ikumpara ang mga transaksiyong ito sa declared income, assets at iba pang financial interests ng mag-asawa.