Hindi absolute ang confidentiality ng records ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at maaari itong ibunyag sa Senate impeachment court, ayon kay House prosecutor at Bicol Saro Party-List Rep. Terry Ridon.
Ayon kay Ridon, mismong AMLC ay nagbibigay ng financial information sa Court of Appeals kapag humihingi ito ng freeze order laban sa mga asset na hinihinalang sangkot sa ilegal na aktibidad.
Giit ni Ridon, kung talagang absolute ang confidentiality, hindi dapat makapagbigay ng impormasyon ang AMLC sa korte para sa asset freeze.
Ipinunto rin ni Ridon na pinapayagan ng batas ang AMLC na makipagpalitan ng impormasyon sa iba pang government agencies, na aniya ay patunay na may mga pagkakataong maaaring ma-disclose ang mga record nito.
Naging isyu ito sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos payagan ng Senate impeachment court ang subpoena sa AMLC, bank at tax records na may kaugnayan kay Duterte, sa kanyang asawa na si Manases Carpio, at mga kumpanyang inuugnay sa kanila.
Inaasahang haharap sa witness stand si AMLC Executive Director Ronel Buenaventura sa Lunes upang tumestigo kaugnay sa mga rekord.
Gayunman, sinabi ni Ridon na nasa impeachment court pa rin ang huling desisyon kung maaaring ilabas at gamitin ang mga AMLC records sa paglilitis.















