Nagbabala ang Malacañang laban sa posibleng paggamit ng dayuhang pera upang impluwensiyahan ang mga opisyal ng pamahalaan na manahimik sa mga isyu sa West Philippine Sea.
Ayon kay Palace press officer Claire Castro, hindi pa humuhusga ang administrasyon sa mga alegasyong inihain ni dating Senador Sonny Trillanes, ngunit hindi umano dapat isawalang-bahala ang mga ito kung may sapat na ebidensya.
Sinabi ni Castro na maaaring maituring na pagtataksil sa bayan kung may mga opisyal na naiimpluwensiyahan ng dayuhang pera upang ipikit ang mata sa mga insidenteng kinasasangkutan ng mga pilipinong mangingisda o isuko ang teritoryo at karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.
Iniuugnay naman ni Trillanes sa China ang mahigit P319 Milyon na umano’y pumasok sa Cale88 foods corp., na dati umanong may kaugnayan kay Manases “Mans” Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte.
Binanggit din niya ang P150 Milyon na donasyon umano mula sa Chinese Embassy noong 2019 para sa pagtatayo ng 13 classroom buildings sa Davao City.
Samantala, sinabi ng Chinese Embassy sa Manila na wala itong komento sa mga alegasyon at itinuring itong usapin ng domestic politics ng pilipinas.
Giit naman ni Castro, dapat malaman ng publiko ang mga alegasyon kung mapatutunayan ng sapat na ebidensya, at dapat managot ang sinumang mapatutunayang kumukunsinti sa naturang gawain.
















