-- Advertisements --

Pinalagan ni Senator-Judge Erwin Tulfo ang mga pahayag ni Atty. Paolo Panelo, tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte, sa umano’y bumabatikos na mga senator-judges at kumukwestiyon ng kredibilidad ng mga testigo ng depensa.

Bago ilahad ang offer of testimony ng panibagong testigo ng depensa na si Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ceferino Rodolfo, hiniling ni Tulfo na malaman kung may maaaring gawin ang impeachment court kaugnay ng mga komento ni Panelo.

Ayon kay Tulfo, hindi naman bahagi ng paglilitis si Panelo ngunit patuloy itong nagbibigay ng komento tungkol sa mga senator-judges na nagsisilbing hukom sa impeachment court.

Binigyang-diin din niya na tila kawalan umano ito ng paggalang sa impeachment court, lalo’t ang mga pahayag ay nagmumula sa tagapagsalita mismo ng bise presidente na nililitis.

Matatandaang noong Nov. 19, inakusahan ni Panelo ang ilang senator-judges ng pagpapakita umano ng pagkiling laban kay Duterte matapos kuwestiyunin ng mga ito ang kredibilidad ng defense witness na si Atty. Rainer Dela Fuente.

Partikular na tinukoy ni Panelo sina Senators Raffy Tulfo, Francis “Kiko” Pangilinan at Risa Hontiveros. Sinabi rin niyang hindi umano trabaho ng mga senador-judges na sirain ang kredibilidad ng mga testigo dahil tungkulin ito ng prosecution panel.