Dalawang tripulanteng Pinoy ang kinumpirmang sugatan mula sa naitalang pag-atake sa isang Liberian-flagged vessel sa Black Sea nitong linggo, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Bagama’t sugatan ang dalawang tripulante, hindi naman seryoso ang mga natamong pinsala ng mga ito. Ligtas din ang kalagayan ng mga nalalabing 17 Pilipinong crew members ng naturang barko.
Ayon pa kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac nitong Huwebes, “safe and sound” ang mga ito at pansamantalang nanunuluyan sa isang hotel sa Bulgaria.
Binisita na rin aniya ng Philippine labor attaché ang mga tripulante, gayundin ang mga kinatawan ng kanilang manning agency, maging ang may-ari ng barko, na kasalukuyang nakikipag-ugnayan upang makapagbahagi ng tulong sa mga ito.
Naipaalam na rin sa pamilya ng mga tripulante ang kanilang kalagayan at kasalukuyan na ring tumatanggap ng food, water, at hygiene assistance.
Dagdag pa ng kalihim, inihahanda na rin ng ahensiya ang kanilang repatriation, alinsunod sa mga kinakailangang medikal at proseso ng clearance na ipinatutupad ng mga awtoridad sa Bulgaria.
Magpasahanggang ngayon, patuloy pa ring tinutukoy at iniimbestigahan ng mga awtoridad ang nasa likod ng umano’y drone attack.
Ang naitalang insidente ay isa lamang sa ilan nang naiulat na pag-atake sa mga barko sa Black Sea dulot ng patuloy na hidwaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Kaugnay naman nito, isinusulong ng DMW sa international maritime stakeholders ang pag-aaral sa pag-uri sa timog-kanlurang bahagi ng Black Sea bilang isang high-risk zone para sa mga marino.














