Ikinlaro ng Palasyo na hindi mabisang paraan ang pagho-hoard ng maiinom na tubig o bottled water bilang paghahanda sa nalalapit na paghagupit ng ‘Super El Niño.’
Sa isang pahayag, pinaalala ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na maghanda ang publiko ukol dito, ngunit hinimok din ito na iwasan ang pagpa-panic dahil garantiya ng Palasyo ay wala naman daw ulat na magkakaroon ng kakulangan sa suplay ng inuming tubig.
“Unang-una, bakit kailangan pang mag-hoard ng tubig? Hindi po tayo mawawalan ng tubig na maiinom… Hindi po advisable na kayo po ay magtago o mag-hoard ng tubig ngayon… Taon-taon na po natin nararanasan ang El Niño… Kung nakaraan ay nalagpasan natin at hindi naman tayo natakot na hindi tayo makakainom ng tubig sa araw-araw, ganoon din po ang dapat nilang isipin sa ngayon,” pagtitiyak ni Castro
Nilinaw din ni Castro na hindi makabubuti ang panic buying at ang labis na pag-iimbak ng tubig sa suplay sa merkado dahil maaari itong magdulot ng pagtaas ng presyo ng nasabing produkto.
Samantala, kaugnay nito, nag-anunsyo ang National Water Resources Board (NWRB) na ibaba nito ang water allocation para sa Metro Manila mula 52-53 cubic meters per second sa 44 cubic meters per second simula sa buwan ng Oktubre bilang paghahanda sa Super El Niño.
















