Mas gumaganda na ang kondisyon ng Maysan Road sa Valenzuela City matapos umusad ang road rehabilitation na isinasagawa ng Department of Public Works and Highways o DPWH.
Muling sinilip ngayong Huwebes ni DPWH Secretary Vince Dizon, kasama si Valenzuela Mayor Wes Gatchalian, ang progreso ng proyekto.
Ayon kay Dizon, nasa 35% na ang completion ng rehabilitasyon o katumbas ng nasa 1.3 kilometro ng kalsada na maaari nang gamitin ng mga motorista.
Nilalagyan ng reinforced concrete ang Maysan Road na may kapal na 30 sentimetro para mas tumibay at kayanin ang bigat ng mga truck na dumaraan dito.
Inaayos at pinapalawak din ang mga inlet at drainage system para mas maging maayos ang daloy ng tubig, na katulad ng isinagawang drainage improvement sa EDSA.
Target ng DPWH na matapos ang buong rehabilitasyon ng Maysan Road bago ang Pasko.
Samantala, humihingi ng pang-unawa ang Valenzuela LGU sa mga motorista at negosyante dahil sa traffic na dulot ng konstruksyon.
Patuloy naman ang truck ban sa lugar para makatulong sa mas mabilis na pagtatapos ng proyekto at maiwasang masira ang bagong ayos na kalsada.















