-- Advertisements --

Itinuro ni Senator-judge Raffy Tulfo sa mga taong nakapaligid kay Vice President Sara Duterte ang umano’y pagkukulang na naglagay sa bise presidente sa alanganin sa gitna ng impeachment trial nito.

Sa ika-37 araw ng impeachment trial ngayong araw, sinabi ni Tulfo na nakapagtataka kung bakit hindi umano naipaalala ng mga abogado sa paligid ni Duterte ang probisyon ng Article VII, Section 13 ng Konstitusyon na may kaugnayan sa pagbabawal sa ilang opisyal ng ehekutibo na humawak ng ibang posisyon o trabaho at makibahagi sa ilang negosyo.

Ayon kay Tulfo, isang abogado si Duterte, gayundin ang kaniyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio, at ang kaniyang chief of staff, bukod pa sa iba pang mga abogado sa Office of the Vice President (OVP).

Dahil dito, kinuwestiyon ng senador kung bakit wala man lamang umanong nakapansin o nagpaalala sa nasabing probisyon.

Iginiit din ni Tulfo na posibleng alam ng mga taong nakapaligid sa bise presidente ang batas ngunit hindi umano ito pinansin dahil sa paniniwalang hindi sila saklaw ng mga patakaran.

Dahil dito, sinabi ng Senador na ang mga taong nakapaligid sa bise presidente ang dapat sisihin dahil hindi umano nila ito nailayo sa posibleng kapahamakan.