Bumuelta si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa mga bumabatikos sa kaniya kasunod ng nauna niyang pagharap sa Senate Finance Committee para depensahan ang budget ng ahensiya para sa susunod na taon.
Maalalang sa pagharap ng kalihim sa naturang panel ay tinanong ni Sen. Alan Cayetano si Sec. Dizon kung may mga ghost project sa Taguig City, na sinagot naman ni Dizon na wala.
Ilang kritiko naman ang pumuna sa sagot ni Dizon at inakusahan ang kalihim na umano’y posibileng pinagtatakpan ang actual na estado ng mga naturang proyekto.
Pero giit ni Dizon, kailanman ay hindi siya gagawa ng anomang cover-up kasunod ng mga batikos sa kanya. Nanindigan ang kalihim na walang sasantuhin at sisinuhin ang pamahalaan upang sawatain ang mga anomalya at mga ghost projects sa pamahalaan.
Binalikan din ng kalihim ang pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na walang dapat palagpasin sa kampanya ng pamahalaan kontra katiwalian, kaanak man o kaibigan ng mga mataas na opisyal ng bansa.
Paliwanag pa ni Dizon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa mga public infra project sa Taguig, at sa ngayon ay wala pang conclusive finding hinggil sa itinuturong ghost flood-control projects (FCP) sa naturang lungsod.
Kinumpirma naman niya na may iregularidad sa coordinates at geotagging ng mga proyekto sa Taguig na naka-geotag sa lalawigan ng Leyte, tulad ng naunang ibinunyag ni Sen. Ping Lacson.
















