Personal na ininspeksyon nina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Giovanni Lopez at Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang Mananga River sa Lungsod ng Talisay, Cebu upang suriin ang nagpapatuloy na flood control rehabilitation project.
Ayon kay Secretary Lopez, ang ilalim ng ilog sa Sitio Isla Verde ay kasalukuyang may lapad na 10 hanggang 14 na metro at nakatakdang palawakin hanggang 18 metro upang matiyak na walang anumang istruktura ang matatangay sakaling bumaha, lalo na’t idineklara nang “no-build zone” ang lugar.
Kaugnay naman ng mga mungkahi na gawing parke ang bakanteng espasyo sa ilalim ng tulay, ipinahayag ng dalawang kalihim na ipinauubaya na nila ang pagpapasya rito sa pamahalaang lungsod ng Talisay.
Sinabi naman ni Secretary Dizon na naroon sila sa Cebu upang pormal na ipasa ang pamamahala sa mga prayoridad na proyekto ng administrasyon sa bagong kalihim ng kagawaran, kabilang ang proyekto sa Butuanon River sa Mandaue na nakatakda rin nilang bisitahin.
Binigyang-diin ni Dizon na mahalaga ang pagpapalawak ng mga daluyan ng tubig upang maiwasan ang pagkaulit ng trahedya noong tumama ang Bagyong Tino noong Nobyembre 4, 2025, kung saan umapaw ang Mananga River at nasira ang flood control project na nagresulta sa pagkatangay ng maraming bahay at pagkasawi ng ilang residente.














