Itinanggi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang alegasyong may pagtatakip sa umano’y mga iregularidad sa ilang infrastructure projects sa Taguig City.
Ayon kay Dizon, hindi niya hahayaang magkaroon ng cover-up at susundin ng ahensya kung saan dadalhin ng mga ebidensya ang kanilang imbestigasyon.
Kasunod ito ng pahayag ni Senator Panfilo Lacson na maaaring magkaroon ng criminal liability ang sinumang magtatangkang magtakip sa mga anomalya sa mga proyekto sa Taguig.
Kabilang sa mga binigyang-pansin ang slope protection project sa Taguig River na may billing photographs na naglalaman ng geotagged coordinates na tumutukoy sa Leyte, na nasa humigit-kumulang 600 kilometro mula sa Taguig.
Aminado si Dizon na isang major red flag ang naturang discrepancy, pero nilinaw niyang nagpapatuloy pa ang validation ng findings ng kanilang inspection team.
Sinabi rin ng kalihim na preliminary pa lamang ang mga resulta at wala pang pinal na konklusyon kung may ghost flood control projects nga sa Taguig.
Iginiit ni Dizon na walang dapat makahadlang sa imbestigasyon at sa pagsisikap ng pamahalaan na matigil ang mga anomalya at ghost projects.
















