-- Advertisements --

Kinuwestyon ni Senate minority leader Alan Peter Cayetano ang paraan ng imbestigasyon sa mga alegasyon ng iregularidad sa mga proyekto sa Taguig, habang muling binatikos ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang umano’y patuloy na illegal reclamation sa Taguig Lakeshore.

Sa post ni Lacson, ibinahagi niya ang video mula sa joint on-site inspection ng Office of the Ombudsman, Philippine Reclamation Authority, Land Registration Authority at Department of Public Works and Highways sa lugar.

Ayon kay Lacson, patuloy umano ang reclamation sa bahagi ng Taguig ng Laguna Lake, habang may nakitang pagtatapon ng basura sa lugar.

Binanggit din niya ang ilang personalidad na ayon sa impormasyong natanggap ng kanyang tanggapan ay may koneksyon sa mga Cayetano ng Taguig, ngunit ang mga alegasyon ay kailangan pang imbestigahan.

Samantala, sinabi ni Cayetano na iginagalang niya ang imbestigasyon ng Ombudsman, DOJ, NBI at iba pang constitutional bodies, ngunit iginiit na dapat itong isagawa nang patas, factual at naaayon sa proseso.

Kinuwestyon din ni Cayetano ang umano’y paraan ng pangangalap ng mga affidavit mula sa contractors, na aniya ay maaaring maging coercion kung pinipilit silang pumirma sa mga inihandang dokumento.

Nanawagan siya na maging maingat sa imbestigasyon at iwasan ang selective investigation at overreach.