Ibinunyag ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na tumatanggap umano ng mga handwritten “memos” ang dating DPWH Secretary Manuel Bonoan mula sa mga sibilyan o hindi empleyado ng ahensya tungkol sa mga proyektong dapat aprubahan.
Sinabi ni Lacson na ito ay isa lamang sa sunod-sunod na iregularidad na lumalabas sa imbestigasyon ng Senado sa mga flood control at infrastructure project ng gobyerno.
Ayon sa senador, posibleng palawakin ng Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon upang isama ang iba pang proyekto tulad ng farm-to-market roads, dahil sa paulit-ulit na katiwalian sa DPWH.
Inihayag din ni Lacson na sa susunod na pagdinig ng Blue Ribbon sa Nobyembre 14, may ipatatawag silang “mahalagang testigo” na posibleng magdawit ng iba pang pangalan, kabilang ang ilang opisyal ng gobyerno.
Plano rin ng komite na ipatawag si retired T/Sgt. Orly Guteza, na nagsabing naghatid siya ng mga maleta ng pera sa mga bahay nina dating Rep. Elizaldy Co at dating Speaker Martin Romualdez, ang paratang na itinanggi ni Romualdez.
Dagdag ni Lacson, bagama’t nananatiling valid ang testimonya ni Guteza, maaaring maapektuhan ang kanyang kredibilidad matapos matuklasan ng korte na may iregularidad sa notarized affidavit nito.
















