KALIBO, Aklan — Ipinag-utos na ng Office of Civil Defense (OCD) Region 6 ang preemptive evacuation sa buong Western Visayas sa harap ng inaasahang pag-landfall sa rehiyon ng Tropical Storm Basyang gabi ng Biyernes, Pebrero 6, 2026.
Ayon kay OCD Regional Director Raul Fernandez, sinimulan na ang paglikas ng mga residente mula sa mga lugar na madaling bahain, landslide prone area, at mga posibleng tatamaan ng storm surge bilang paghahanda sa inaasahang malalakas na ulan at hangin, kun saan, nasa Orange Rainfall Warning ang mga lalawigan sa rehiyon maliban sa Aklan na nasa Yellow Rainfall Warning.
Aniya, sa kanilang ipinalabas na urgent memorandum, inatasan ang lahat ng Local Disaster Risk Reduction and Management Councils (LDRRMCs) na agad ipatupad ang mga paglikas, lalo na sa mga high-risk na barangay sa southern Iloilo at southern Antique.
Hindi na dapat umanong mag-aksaya ng panahon ang mga lokal na opisyal para ilikas ang mga residente sa danger zones.
Dagdag pa nito na nasa red alert na rin ang kanilang tanggapan simula ngayong araw at isinagawa na ang lahat ng preparasyon sa bagyong Basyang na inaasahang magdadala ng malalakas na ulan at hangin.
Pinaalalahanan rin nito ang mga residente na maging vigilante at agad na sumunod sa ipinag-uutos sa kanila.
















