-- Advertisements --

Pinalalawak ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pakikipagtulungan nito sa mga residente at lokal na pamahalaan sa Kalayaan Island Group (KIG) sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng pag-activate ng isang auxiliary district sa Pag-asa Island.

Pinangunahan ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang seremonya ng pormal na pagbubuo ng PCG Auxiliary District.

Kasabay nito ang panunumpa ng mga bagong miyembro ng auxiliary group, kabilang si Kalayaan Mayor Balthazar “Billy” Alindogan, mga guro, miyembro ng local disaster council at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, mahalagang direktang makilahok ang mga sibilyan sa pagsusulong ng pagkakaisa at pagtupad sa kanilang tungkulin sa komunidad.

Ang Kalayaan Island Group ay bahagi ng Palawan at nasa pinagtatalunang bahagi ng West Philippine Sea, kung saan patuloy na mino-monitor ng Pilipinas ang presensya at aktibidad ng mga barkong dayuhan, kabilang ang mga barko ng China.

Sa pamamagitan ng bagong auxiliary district, inaasahang mas mapalalawak ang partisipasyon ng mga residente ng Pag-asa Island sa mga gawaing may kaugnayan sa maritime safety, search and rescue at proteksiyon sa karagatan.