-- Advertisements --

Naitala ng Armed Forces of the Philippines ang pagtaas sa 48 Chinese vessels na namataan sa West Philippine Sea mula Nobyembre 17 hanggang 23, kasunod ng ASEAN Summit 2026.

Ayon kay AFP spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, mas mataas ito kumpara sa 19 na barkong naitala mula Nobyembre 9 hanggang 16. Aniya, kakaunti ang ipinakitang presensiya ng China sa exclusive economic zone ng Pilipinas habang ginaganap ang ASEAN Summit.

Patuloy naman ang pagbabantay ng militar sa mga dayuhang barko gamit ang sea-based, air-based, land-based at space-based monitoring capabilities. Nakakatulong din aniya ang mga mangingisda at marino sa pagbibigay ng mga larawan, video at ulat tungkol sa galaw ng mga dayuhang sasakyang-pandagat.

Patuloy ang tensyon sa South China Sea dahil sa malawak na pag-aangkin ng China sa karagatang ito, kabilang ang mga bahaging saklaw ng karapatan ng Pilipinas. Noong 2016, nagpasya ang Permanent Court of Arbitration na walang legal na batayan ang malawak na pag-aangkin ng China, ngunit hindi kinikilala ng Beijing ang naturang desisyon.