Tinutulan ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kahilingan ng International Criminal Court (ICC) prosecution na isagawa sa likod ng saradong pintuan ang testimonya ng ilang saksi, dahil maaari umanong malabag nito ang karapatan ng dating Pangulo sa isang pampublikong paglilitis.
Sa 11-pahinang mosyon, kinuwestiyon ng defense team na pinamumunuan ni Atty. Peter Haynes ang kahilingan ng prosecution na panatilihing anonymous ang 55 sa 69 nitong saksi, habang 22 naman ang nais nitong tumestigo nang ganap na sarado sa publiko. Ayon sa depensa, hindi sapat ang naiharap na batayan upang patunayan na bawat saksi ay nahaharap sa makatwirang panganib.
Iginiit ng depensa na dapat gamitin lamang ang witness protection measures kung may malinaw na banta sa kaligtasan ng mga saksi. Iminungkahi nitong gumamit na lamang ng pseudonyms at voice at face distortion, gayundin ang limitadong closed-door sessions kung kinakailangan, sa halip na itago sa publiko ang buong testimonya.
Ayon pa sa kampo ni Duterte, maaaring maapektuhan ang transparency ng paglilitis at ang kakayahan ng depensa na siyasatin ang kredibilidad ng mga saksi kapag hindi inilalantad sa publiko ang kanilang pagkakakilanlan at mga testimonya. Hiniling nila sa ICC Trial Chamber III na suriin ang bawat kahilingan batay sa aktuwal na panganib na kinakaharap ng mga saksi.
Inihain ang mosyon bago ang nakatakdang pagbubukas ng paglilitis kay Duterte sa Nobyembre 30. Nahaharap ang dating Pangulo sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng umano’y mga pagpatay at tangkang pagpatay sa Pilipinas mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019, sa ilalim ng kaniyang kampanya kontra droga.
















