Inatasan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang Chinese research vessel na umalis sa Philippine Exclusive Economic Zone EEZ matapos umanong magsagawa ng unauthorized marine scientific research sa karagatan sa hilagang-kanluran ng Itbayat, Batanes.
Ayon sa PCG, nasa 37 nautical miles mula sa Itbayat ang Chinese vessel na JIA HAI KE 7 at ilang araw nang nananatili sa lugar matapos itong unang mamataan noong Setyembre 28.
Idineploy ng PCG ang BRP Teresa Magbanua at isang PCG Islander aircraft para bantayan at gambalain ang operasyon ng naturang barko.
Habang isinasagawa ang operasyon, dumating naman ang China Coast Guard vessel CCG-2503 at naglabas ng mga radio challenge laban sa BRP Teresa Magbanua.
Sinabi ng PCG na patuloy nitong minamanmanan ang dalawang Chinese vessel at nananatili sa lugar ang BRP Teresa Magbanua upang pigilan ang umano’y unauthorized research activities.
Ayon sa PCG, walang ibinigay na pahintulot ang pamahalaan ng Pilipinas sa JIA HAI KE 7 para magsagawa ng marine scientific research sa Philippine EEZ.
Batay sa UNCLOS at Philippine Maritime Zones Act, kinakailangan ang pahintulot ng Philippine government bago magsagawa ng marine scientific research ang mga dayuhang vessel sa loob ng Philippine EEZ.
Patuloy namang imo-monitor ng PCG ang JIA HAI KE 7 hanggang sa makaalis ito sa lugar.
















