Hinimok ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag ang kampo ni Vice President Sara Duterte na magsampa ng pormal na reklamo kaugnay ng umano’y pagbabanta at sapilitang pagpapapirma sa isang dating household staff ng Bise Presidente.
Ito ay matapos ihayag ni Atty. Paolo Panelo, tagapagsalita ni Duterte, na nakatanggap umano ang Bise Presidente ng mensahe mula sa dating tauhan na humihingi ng tulong at at pagsagip sa Maynila.
Ayon kay Panelo, natanggap ang mensahe dakong alas-11:19 ng gabi noong Lunes, Nov. 16. Nakasaad umano rito na nasa kustodiya o kontrol ng ilang indibidwal ang dating staff, pinagbabantaan ang buhay at pinipilit na lumagda sa isang dokumento na tinanggihan nitong pirmahan.
Samantala, inihayag naman ni Matibag na dapat direktang lumapit sa mga awtoridad ang kampo ni Duterte kung may tunay na banta at nais nitong maimbestigahan ang insidente.
Giit ng NBI chief, hangga’t walang malinaw na dokumento at ebidensiya na magpapatunay sa mga alegasyon, maituturing lamang itong tsismis umano. Idinagdag din niyang wala pamng natatanggap na pormal na reklamo ang kanilang tanggapan kaugnay nito.















