Binigyang-diin ni Kamanggagawa Party-list Representative Eli San Fernando na hindi ang mga naglalantad ng mga problema sa bansa ang sumisira sa imahe ng Pilipinas, kundi ang mga tiwaling opisyal umano na aniya’y patuloy na nagpapahirap sa mga manggagawa at ordinaryong mamamayan.
Ito ang naging tugon ni San Fernando sa mga pumupuna sa kaniya dahil sa mga inilabas niyang pahayag at content tungkol sa mga paghahanda ng bansa para sa 49th ASEAN Summit.
Sa kaniyang pahayag, kinuwestiyon ng kogresista ang ilang hakbang na umano’y ginawa upang pagandahin ang itsura ng mga lugar na bibisitahin ng mga delegado.
Kabilang dito ang pagtatakip umano ng plywood sa mga tulay upang hindi makita ang mga basura, pagpapaalis sa mga mahihirap at pagsasara ng ilang tindahan, gayundin ang biglaang pagkukumpuni sa mga kalsadang matagal na aniyang napabayaan.
Binigyang-diin niyang nagsisilbi lamang siyang mensahero ng mga manggagawa at ordinaryong Pilipino na araw-araw na nakararanas ng mga suliraning ito.















