Nagpahayag ng pagkabahala si Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte kaugnay ng ulat na pinagbabantaan umano ang buhay ng dating household staff ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Duterte, kung totoo ang mga sumbong, seryosong usapin ito na may kinalaman sa kaligtasan at karapatan ng nasabing dating empleyado. Ito ay kasunod ng pahayag ni Atty. Paolo Panelo, tagapagsalita ni VP Sara, na nakatanggap umano ang Bise Presidente ng mensahe mula sa dating household staff na humihingi ng tulong dahil nasa kustodiya raw ito ng ilang indibidwal at pinagbabantaan ang buhay.
Inihalintulad din ni Duterte ang insidente sa naunang kaso na kinasangkutan ni Jefry Tupas, at sinabing may mga pagkakatulad umano ang dalawang pangyayari na nangangailangan ng agarang paglilinaw.
Iginiit din ng kongresista na kung may kinalaman ang National Bureau of Investigation o iba pang ahensiya ng pamahalaan, dapat maging malinaw sa publiko ang kanilang naging papel at managot ang sinumang mapatutunayang may pananagutan.
Binigyang-diin niya na hindi dapat gamitin ang mga institusyon ng pamahalaan bilang sandata sa pulitika.














