-- Advertisements --

Hindi umano matatapos ang pagsasapinal ng binubuong Code of Conduct o COC sa pinagtatalunang karagatan sa Timog-Silangang Asia, kabilang ang West Philippine Sea sa pamumuno ng Pilipinas ngayong 49th Association of Southeast Asian Nations Summit,  sa halip inaasahan na matatapos ito sa susunod na ASEAN summit sa Singapore sa 2027.

Sa press briefing sa International Media Center, Ipinaliwanag ni Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro na may ilang mahahalagang usapin pa umano ang hindi mapagkasunduan kung kaya’t ipinaubaya na umano ng Pilipinas ang pagsasapinal nito sa Singapore.

Nauna nang sinabi ng kalihim na nasa 80 porsiyento na ang natatapos sa kasunduan na naglalayong magtakda ng mga tuntunin upang maiwasan ang tensiyon at komprontasyon sa pinagtatalunang karagatan.

Ipinaliwanag ni Lazaro na kabilang sa mga dahilan ng pagkaantala ang magkakaibang pananaw ng 10 bansang kabilang sa Asean at China, gayundin ang mga sensitibong usaping legal. Kabilang dito ang posibilidad na kinakailangan ng ilang bansa na ipaapruba o pagtibayin pa ng kani-kanilang kongreso ang naturang kasunduan. 

Iginiit ng kalihim na kung nabigyan lamang ang Pilipinas ng karagdagang lima hanggang anim na buwan, posibleng natapos umano ang kasunduan sa ilalim ng pamumuno nito sa ASEAN summit. 

Samantala, bagama’t hindi naisapinal ang COC, sinabi ni Lazaro na itinuturing pa rin itong tagumpay ng Pilipinas dahil mula sa tinatayang 50 porsiyentong progreso ay umabot na ito sa 80 porsiyento sa panahon ng pamumuno ng bansa sa ASEAN. 

Ayon pa sa kalihim nasa huling yugto na ang negosasyon sa naturang kasunduan at kinilala ng bansa ang didekasyon at pakikipagtulungan ng mga deligado upang mabuo ito, partikular na ang China at Malaysia na co-chair ng COC. 

Gayunman, binigyang-diin naman ni Lazaro na bagama’t ang dalawang bansa ang nagsilbing co-chair sa negosasyon, ang Pilipinas parin umano bilang tagapangulo ng Asean ngayong 2026 ang nanguna sa pangkalahatang proseso upang mapabilis ang pagbuo ito. 

Ang naturang Code of Conduct ay mahalaga dahil layunin nitong magtakda ng mga tuntunin sa paghawak ng mga sigalot sa  pinagtatalunang karagatan sa Timog-Silangang Asia, kung saan kabilang ang Pilipinas at China sa mga bansang may magkakapatong na pag-aangkin sa teritoryo.