Nagpaplanong magmungkahi ang Pilipinas ng pagtatatag ng isang panrehiyong mekanismo para sa pag-iimbak ng pagkain at palay bilang paghahanda sa banta ng iba’t ibang krisis sa Timog-Silangang Asya, kabilang ang posibleng matindi at matagal na El Niño.
Sa ngayon, nagkasundo ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na palakasin ang kooperasyon sa sektor ng agrikultura, kabilang ang pagpapalitan ng kaalaman at teknolohiyang ginagamit sa pagsasaka.
Bagama’t hindi pa pormal na napag-uusapan ang panukalang pag-iimbak ng pagkain, tiniyak ni Trade Secretary Cristina Roque na sisikapin niyang maisulong ang planong ito sa mga kapwa kasaping bansa ng ASEAN.
Binigyang-diin din ng kalihim na makatutulong ang umiiral na mga kasunduan sa pagitan ng mga bansang kasapi ng ASEAN upang mapatatag ang suplay ng pagkain sa rehiyon at maiwasan ang biglaang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
“Definitely, we will suggest that concept. That has not been discussed, but we can bring it to the table.” ani pa ni DTI secretary Roque.
Samantala, batay sa isang pag-aaral, kabilang ang katimugang bahagi ng Pilipinas, Brunei at Singapore sa mga lugar na nahaharap sa pinakamalapit na panganib ng malakas na pag-ulan. Kabilang din sa mga lugar na maaaring maapektuhan ang ilang bahagi ng Thailand, Cambodia at Vietnam.
Napag-alaman din sa isang pag-aaral na ang mga tagtuyot na dulot ng El Niño tuwing panahon ng pagtatanim ay dati nang nagresulta sa pagbaba ng ani ng palay na umaasa sa ulan sa Pilipinas at sa Mekong River Delta ng Vietnam.
Dahil dito, ang pagkaantala sa produksiyon ng agrikultura ay maaari ring magdulot ng pagtaas ng presyo ng mga pagkain, lalo na sa mga bansang umaasa sa inaangkat na suplay ng pagkain.














