-- Advertisements --

Nagpasya ang defense team na huwag nang ituloy ang pagpapatawag sa isa pang testigo mula sa isang bangko, dahil sapat na umano ang mga naunang paglilinaw at dokumentong naiharap sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay defense spokesperson Atty. Michael Wesley T. Poa, muling sinuri nila ang mga rekord at nakita nilang naipaliwanag na niya sa mga naunang pagdinig na siya ang sumulat ng liham na may kaugnayan sa bank account. Nasagot na rin umano niya ang mga tanong ng mga senador tungkol sa kanilang posisyon sa naturang account.

Sinabi ni Poa na sapat na ang mga naunang testimonya para sa layuning nais nilang linawin.

Bahagi ito ng presentasyon ng ebidensiya ng depensa sa Article II ng impeachment complaint, ang natitirang alegasyon laban kay Duterte na may kaugnayan sa umano’y unexplained wealth at mga hindi tugmang deklarasyon sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). Nauna nang nagpatawag ang depensa ng mga kinatawan ng iba’t ibang bangko upang magbigay-linaw sa mga rekord at transaksiyong may kaugnayan sa mga alegasyon.